Dar-logo Ice-logo

October 28, 1999

DAR OPINION NO. 64-99

G. ROMEO P. GUERRERO

c/o Nerio Tierra

Accounting Division

DAR — Central Office

G. Guerrero:

Ito po ay may kinalaman sa inyong liham na may petsang 11 Enero 1999 na humihingi ng legal opinyon kaugnay ng isang lupaing inyong sinasaka na may kinalaman sa inyong dalawang tiyuhin. Ang mga katanungan ninyo sa inyong tiyuhin "A" ay ang mga sumusunod:

1.         Maari ba kayong palayasin ng inyong tiyuhin "A" kasama ang inyong ama at pamilya mula sa inyong kinatitirhan?

2.         Ano ang inyong karapatan sa lupang kinatatayuan ng inyong tahanan?

3.         Kung may karapatan bang tumira ang sino man sa inyong mga kapatid sa bahay ng inyong ama kung sakaling siya'y yumao na?

4.         Kung may karapatan ka bang habulin ang lupang kinatatayuan ng inyong tahanan ngayong gusto na kayong paalisin/palayasin dito?

Ang mga katanungan naman tungkol sa inyong tiyuhin "B" ay ang mga sumusunod:

1.         Ano ang inyong karapatan sa lupang inyong sinasaka simula pa noong hindi pa siya ang may-ari?

2.         Kung may karapatan ka bang maghabol o bilhin ang lupang inyong sinasaka gayong hindi pinaalam sa inyo ang bilihang nangyari sa dating may-ari at inyong tiyuhin "B"?

3.         Ano ba ang dapat na upa o "pabunga"? At ano ang dapat niyong gawin kung ayaw niyang pumayag sa dapat na upa o "pabunga"?

4.         Kung may karapatan ba ang inyong tiyuhin "B" na alisan kayo ng karapatang magsaka sa lupang inyong sinasaka kahit noong hindi pa niya ito nabibili?

5.         Kung sakali naman na magkakaso kayo, saan o kanino kayo maaring lumapit o humingi ng tulong? At kung pagkakalooban ba kayo ng libreng abogado ng DAR?

Ayon sa inyong liham, isa kayong tagapagsaka ng isang pirasong lupa na higit sa dalawang hectarya simula pa noong kayo ay labing apat na taong gulang pa lamang hanggang kayo'y nagkaasawa at nagkaroon ng pamilya; na sa lupang nabanggit kayo nakapagpatayo ng inyong tahanan at tahanan ng inyong ama; na kayo ay nagbibigay ng upa o "pabunga" ng hindi hihigit sa dalawang daang piso (P200.00) sa may-ari ng lupa pagkatapos ng anihan; na hindi ninyo na maalala kung kailan lumapit ang inyong tiyuhin "A" at nakiusap na ipahiram sa kanya ang kalahating bahagi ng inyong sinasaka na walang anumang konsiderasyon o kasulatan bukod sa kasunduang magbibigay siya ng isang kabang bigas kada anihan upang may makain daw ang kanyang kapatid na matandang dalaga na kayo na rin ang kumukupkop; na di pa masyadong katagalan sa ngayon, at lingid sa inyong kaalaman, nalaman nyo na lang na nabili na ng inyong tiyuhin "A" ang kalahating lupang inyong sinasaka na ipinahiram sa kanya at ang kalahati naman ay nabili na rin ng isa nyo pang tiyuhin (tiyuhin "B"); na kung ipinaalam lang sa inyo ng may-ari ng lupa at ng inyong mga tiyuhin ang nasabing bilihan, higit kaninuman kayo ay nagnanasang makabili sa lupang nabanggit.

Sa madaling salita, dala ng kahirapan ay wala po kayong nagawa kundi sumunod sa takbo ng mga pangyayari bagamat kayo pa rin ang nagsasaka sa kalahating bahagi na nabili ng inyong tiyuhin "B" hanggang sa ngayon at nagbibigay pa kayo ng "pabunga" ayon sa kanyang kagustuhan pagkatapos ng anihan; na sa kasalukuyan, dalawa ang kinakaharap ninyong problema, una, ay sa inyong tiyuhin "A" dahil gusto niya kayong palayasin sa inyong kinatitirhan kasama ang inyong ama at, ang pangalawa, ang inyong tiyuhin "B", bagamat kayo pa rin ang nagsasaka sa bahagi na kanyang nabili ay nahihirapan naman kayo sa pagbabayad ng upa o "pabunga" sapagkat pinipilit ng inyong tiyuhin "B" na kinukuha ang kung anuman ang gustuhin niya; at nagtangka na rin kayo ng ilang beses na magharap kayo sa opisina ng Agraryan subalit tumatanggi siya at nagagalit pa kung tumatanggi kayo sa gusto niyang pabunga at nagbabanta na aalisan kayo ng karapatang magsaka; at gusto nyong malaman ngayon ang inyong karapatan ayon sa mga umiiral na batas.

Hinggil po sa inyong unang katanungan sa inyong tiyuhin "A" nais po naming ipabatid sa inyo na isinasaad sa Seksyon 7 ng Batas Republika Blg. 3844 na sinusugan ng Batas Republika Blg. 6389 (ang mga Batas na nagpapawalang bisa sa tinatawag na "agricultural sharing system" at automatikong paglilipat nito sa tinatawag na "agricultural leasehold") na pagkatapos maitatag o magkaroon ng ugnayan sa pagitan ng isang mananakahan at ng nagmamay-ari ng lupa sang-ayon sa itinakda ng Batas (Tenancy Relationship), ang isang magsasaka ay may karapatang manatili sa lupang kanyang sinasaka at maaari lamang siyang tanggalan ng nasabing karapatan bilang isang nananakahan sa mga kadahilanang naaayon sa batas.

Kaugnay nito, isinasaad din sa Seksyon 10 ng nabanggit na Batas na kung sakali man na ipagbili o magkaroon ng paglilipat sa pagmamay-ari ng lupaing sinasaka, magpapatuloy ang ugnayan ng magsasaka at ng bagong nagmamay-ari ng lupa isinasaad sa Seksyon 10 ng nabanggit na Batas ang mga sumusunod:

"Sek. 10.       Ang Pagsasakang Buwisan sa Pagsasaka ay Di Nagwawakas sa Pagkatapos ng Takdang Panahon, atb. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka sa ilalim ng Kodigong ito di magwawakas dahil lamang sa pagkatapos ng taning o takdang panahong nasa kasunduan sa pamumuwisan ni sa pagbibili, pag-aalis o paglilipat ng pag-okupang legal sa hinahawakang lupa. Sakaling ipagbili, ialis o ilipat ng nagpapabuwis sa pagsasaka ang pag-okupang legal sa hinahawakang lupa, ang nakabili o pinaglipatan niyon ay malalagay sa mga karapatan at mahahalili sa mga pananagutan ng nagpapabuwis sa pagsasaka."

Hinggil po sa inyong ikalawang katanungan, isinasaad din po sa Seksyon 24 ng B.R. Blg. 3844 na ang isang magsasaka ay may karapatan na ipagpatuloy ang eksklusibong posisyon sa bahagi ng lupaing sinasaka na kinatatayuan ng kanyang tahanan simula pa noong pinagtibay ang B.R. Blg. 3844 (Agosto 8, 1963). Seksyon bilang 24 ng B.R. Blg. 3844, na sinusugan ng Batas Republika Blg. 6389 ay nagsasaad ng sumusunod:

"Sek. 24.       Karapatan sa isang Loteng Pamahayan. — Magkakaroon ng karapatan ang namumuwisan sa pagsasaka na magpatuloy sa tanging pag-okupa at pagtatamasa sa alin mang loteng pamahayan na maaaring tinatahanan na niya sa pagkakabisa ng Kodigong ito, na ipalalagay na kasama sa pamumuwisan."

Hinggil sa inyong ikatlong katanungan, ang mga malapit na kamag-anakan ng isang magsasaka ay may karapatang tumira sa bahay ng huli lalo na kung ang mga nabanggit na mga kamag-anakan ay tumutulong sa pagsasaka.

Hinggil po sa inyong huling katanungan patungkol sa inyong tiyuhin "A", isinasaad po sa Seksyon 11 ng B.R. Blg. 3844 (na sinusugan ng Seksyon 2 ng B.R. Blg. 6389) na kung sakali na gustuhin ng may-ari ng lupa na ipagbili o ilipat ang pagmamayari ng lupang sinasaka, kinakailangan na ipaalam ito at unang ialok upang bilhin ng magsasaka na may higit na karapatan upang bilhin ang nabanggit na lupa.. Sa kabilang panig, kung sakali naman po na nagkaroon ng bilihan o nagkaroon na ng paglilipat sa pagmamay-ari ng lupa, ang magsasaka ay may karapatang bilhing muli o tubusin sa taong nakabili sa parehong halaga na makatwiran (Seksyon 12 ng B.R. Blg. 3844 na sinusugan ng Seksyon 2 ng B.R. Blg. 6389, Karapatan ng Namumuwisan sa Pagtubos).

Hinggil naman sa inyong unang katanungan sa inyong tiyuhin "B", ang Seksyon bilang 7 ng B.R. Blg. 3844, ay nagsasaad ng sumusunod:

"Sek. 7.         Taning ng Pagsasamahang Buwisan sa Pagsasaka. — Ang pagsasamahang buwisan sa pagsasaka minsang maitatag ay maggagawad sa namumuwisan sa pagsasaka ng karapatang magpatuloy sa paggawa sa hinahawakang lupa hanggang sa magwakas ang gayong pagsasamahang buwisan. Magkakaroon ng katatagan sa kanyang hinahawakang lupa ang namumuwisan sa pagsasaka at hindi siya maaaring mapaalis doon matangi kung ipinahihintulot ng Hukuman sa mga kadahilanang dito'y itinatadhana."

Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang isang magsasaka ay may karapatang manatili sa lupang kanyang sinasaka at maaari lamang siyang tanggalan ng karapatan bilang nananakahan sa kadahilanang naaayon sa Batas (Sekyon bilang 8, 9 at 10 ng nabanggit na Batas). Bukod pa dito, ang Seksyon 23 ng nabanggit na Batas ay nagsasaad din ng mga karapatan ng namumuwisan sa Pagsasaka sa Pangkalahatan. — Magiging karapatan ng namumuwisan sa pagsasaka na:

(1)       Magkaroon ng pag-okupa at mapayapang pagtatamasa sa lupa;

(2)       Mamahala at gumawa sa lupa sa ayos at paraan ng paglilinang at pag-aaning naaayon sa subok ng pamamaraan sa pagbubukid;

(3)       Gamitan ng makinarya ang lahat o ano mang bahagi ng kanyang gawain sa bukid; at

(4)       Makitungo sa mga may kiskisan at pagsasapabrika ng produkto at harapin ang pagbibigay ng mga kedan at resibo sa bodega para sa mga aping nauukol sa kanya.

Hinggil sa inyong ikalawang katanungan, katulad po ng nabanggit sa inyong huling katanungan kaugnay ng inyong tiyuhin "A", na kayo ay may karapatang tubusin sa taong unang nakabili ayon sa Seksyon bilang 12 ng B.R. Blg. 3844, na sinusugan.

Hinggil sa inyong ikatlong katanungan, ayon po sa Seksyon 12 ng B.R. Blg. 6657 (Comprehensive Agrarian Reform Law) at Seksyon 34 ng B.R. Blg. 3844, upang mapangalagaan at mapabuti ang kalagayan ng pagmamay-ari at pangkabuhayan ng mga magsasaka sa mga lupaing may kasama sa ilalim ng retensyong limit at mga lupang hindi pa natatamo alinsunod sa Batas na ito, inatasan ang DAR na kagyat na tiyakin at itakda ang halaga ng pamumuwisan at ang dapat na upa ng isang nananakahan ay hindi dapat humigit sa katumbas ng dalawampu't limang porsiyento (25%) ng katamtamang karaniwang ani sa loob ng tatlong (3) taong pansakahan na kagyat na nauuna sa Hunyo 15, 1988 (noong pinagtibay ang B.R. Blg. 6657), matapos maawas ang halagang ginamit sa mga binhi at ang ginastos sa pag-aani, paggiik, pagkakarga, paghahakot at pagpoproseso, kung alinman ang magagamit. At kung sakaling tumanggi o walang tinanggap na tugon mula sa may-ari sa nasabing bahaginan, maaari kayong dumulog sa MARO o Municipal Agrarian Reform Officer kasama ang BARC Chairman sa inyong lugar upang itakda ang dapat na upa na naaayon sa nasabing mga Batas at Kautusang Pampangasiwaan Blg. 5, Serye 1993 (kalakip ang sipi).

Hinggil sa inyong ikaapat na katanungan, ang ugnayan ng magsasaka at dating may-ari ng lupa ay hindi natatapos kung sakaling ito ay maibenta sa iba at sa halip ay nalilipat lang ang karapatan at obligasyon sa nakabili ayon sa Seksyon 10 ng B.R. Blg. 3844. Kung ito po ang sinasaad ng Batas ay lalo na pong walang karapatan ang taong hindi pa nabibili ang lupa na alisan ng karapatang magsaka ang dati nang nagsasaka rito.

Kaugnay po sa inyong huling katanungan, nais po naming ipabatid sa inyo na lahat ng usapin na may kaugnayan sa pagpapatupad ng repormang pansakahan ay maaaring idulog sa pinakamalapit na Tanggapan ng Repormang Pansakahan sa lugar na kung saan ang lupain ay matatagpuan at doon po ay maaaring humingi ang isang magsasaka ng libreng serbisyo ng abogado para kumatawan sa mga usaping may kaugnayan sa pagpapatupad ng repormang pansakahan.

At panghuli, nais po naming ipabatid sa inyo na ang opinyon pong ito ay isa lamang pagpapayo at para sa inyong lubos na kaalaman at hindi po nangangahulugan na ito po ay isang desisyon o magiging desisyon sa anumang usapin na inihain o maaaring ihain sa kaukulang hukuman o sa anumang tanggapan ng pamahalaan na may kinalaman sa nabanggit na usapin.

Maraming salamat po sa inyong pagliham at sana'y natugunan namin ang inyong mga katanungan.

Sumasainyo,

(SGD.) DANILO T. LARA

Undersecretary for Legal Affairs, and Policy and Planning



CONTACT INFORMATION

Department of Agrarian Reform
Elliptical Road, Diliman
Quezon City, Philippines
Tel. No.: (632) 928-7031 to 39

Copyright Information

All material contained in this site is copyrighted by the Department of Agrarian Reform unless otherwise specified. For the purposes of this demo, information are intended to show a representative example of a live site. All images and materials are the copyright of their respective owners.